Feliciana Oliveros Tiongson (Women of Malolos)
Si Feliciana Oliveros Tiongson o Cianang ay ipinanganak noong Marso 16, 1869, kina Marcos R. Tiongson at Juana B. Oliveros. Kapatid niya ang 2 pang Kababaihan ng Malolos na sina Filomena at Cecilia. Noong Marso 18, 1869 ay bininyagan siya ni Padre Pedro Dandan, isa sa mga progresibong pari na kinalauna’y ipinatapon sa Guam noong 1872 pagkatapos ng paggarote sa GomBurZa at naging pinuno ng himagsikan sa Cavite. Mula sa pagkadalaga ay mulat na si Feliciana sa pakikibaka laban sa kura Padre Felipe Garcia, kung saan nakilahok ang kaniyang mga kamag-anak na Tiongson sa ilalim ng pamumuno ni Manuel Crisostomo. Patuloy na sinuway ni Feliciana at kaniyang mga kapatid ang kura, at sinuportahan ang kilusang kumakalaban sa mga prayle. Habang nangyayari ang himagsikan, sinuportahan ni Feliciana at ng kaniyang pamilya ang mga Katipunero sa pamamagitan ng pagpapadala ng pagkain at damit sa kanila sa Paombong. Napilitan ang kaniyang pamilya na magtago sa ibang mga barrio upang makaiwas sa pagkahuli. Isa rin si Feliciana sa mga pumunta sa Malacanang at nagmakaawa na huwag patayin si Rizal, ngunit hindi sila dininggin. Bukod sa pakikilahok sa himagsikan noon ay naging guro rin si Feliciana sa kaniyang mga pamangkin at katulong. Sa huling 2 taon ng kaniyang buhay ay nakaratay siya sa kaniyang higaan, dahil sa pagkadulas sa sahig ng kanilang banyo. Namatay siya sa edad na 70 noong Oktubre 3, 1938.
Biography from the Woman of Malolos by Nicanor G. Tiongson
References
Tiongson, N. G. (2004). Feliciana Oliveros Tiongson. In The Women of Malolos (pp. 386–391). Ateneo de Manila University Press.