Rogaciano Mendoza Mercado

From Wiki Malolos
Jump to navigation Jump to search

Article by Eliz_F


Rogaciano Mendoza Mercado (Nobyembre 5, 1916 - Nobyembre 13, 1989)

Si Rogaciano Mendoza Mercado ay isang kilalang abogado at politiko sa Pilipinas. Siya ay ipinanganak sa Sta. Maria, Bulacan, noong ika-5 ng Nobyembre taong 1916, sa mag-asawang Angel Mercado, isang prinsipal at Apolania Mercado. Siya ay nakapagtapos sa Bulacan High School noong 1933 at pagkatapos ay kumuha ng kurso sa abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas at nakatapos noong 1940.

Naglingkod sa kongreso ng dalawampung taon hanggang madeklara ang Martial Law noong 1972. Siya ay napasailalim sa house arrest dahil sa kaniyang pagsalin sa tagalog ng libro ni dating Pangulong Diosdado Macapagal na bumabatikos sa administrasyong Marcos noong 1979. Noong 1984 hanggang 1986, naglingkod siya sa Pambansang Kapulungan at bilang Ministro ng Pagawaing Pampubliko sa ilalim ni Pangulong Corazon Aquino bago siya mahalal muli bilang kinatawan noong 1987.

Si Rogaciano M. Mercado ay kinakasama ni Visitacion Algas at nagkaroon sila ng limang supling. Bago pa man siya tumungtong sa paglilingkod sa ating bansa ay naglingkod muna siya sa kanyang bayan, kung saan ang pambayad na kanyang natatanggap ay kadalasang mga agrikultural na produkto katulad ng mga itlog o manok. Dito din ay ginamit niya ang kanyang boses sa pamamagitan ng paggamit ng radio upang bigyang kaalaman ang mga magsasaka tungkol sa mga mahahalagang isyu sa lipunan, katulad ng pagbibili ng boto. Siya ay lubos na iginagalang ng kanyang mga kasamahan at gumanap bilang isang mahalagang papel sa pagpasa ng batas na may kaugnayan sa pagsasabansa sa retail trade. Nag-akda din siya ng mga batas na nakatuon sa edukasyon ng kabataan at modernong pag-aaral sa industriya ng manok. Bilang karagdagan sa pag-isponsor ng mga batas na pinakikinabangan ng mga magsasaka ay gumawa siya ng mga panukalang batas sa pagbibigay ng libreng benepisyo sa ospital. Kabilang siya sa mga kahanga-hangang indibidwal na naglingkod nang may kahusayan, pamumuno, at tuloy-tuloy na pagganap sa katungkulan, ngunit sa edad na 73, siya ay sumakabilang buhay noong Nobyembre 13 taong 1989 dahil inatake sa puso. Gayunpaman, ang kanyang mga kontribusyon sa lipunan ay inaalala at pinapahalagahan habang buhay.


References