Pista ng Santo Niño de Malolos
Article by Rence
Ang Santo Niño de Malolos ay ang patron ng Barrio Sto. Niño, dating Kamistisuhan. Ang kapistahan nito ay ang pinakamalaking pagpapahayag ng debosyon sa Banal na Bata sa buong Luzon, na siyang idinaraos tuwing huling Linggo ng Enero. [1]
Pista
Nagsisimula ang pagdiriwang ng kapistahan sa “panaog” ng Sto. Niño, kung saan ang orihinal na imahen ng santo ay ipinaparada kasama ng dalawangdaan pang mga imahe; may ibang tradisunal, habang ang iba naman ay pawang imahinatibo, na pumuprosisyon kasabay nito.
Sinasabing ang kapistahan ng Sto. Niño ay isa na sa mga pinakaaabangan bago pa man sumiklab ang digmaan, subali’t nahinto ito sa kasagsagan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sinasabi ring ang Banal na Bata ay kasa-kasamang ipinaparada ng imahen ng Imaculada Concepcion ng Katedral ng Malolos sa araw ng kapistahan nito. Noong 1966, nabuhay muli sa tulong ng pagsisikap ni Dr. Luis Santos at ng kaniyang mga kasamahan, at hindi nagtagal, naitatag ang Santo Niño de Malolos Foundation Inc., noong 1975 na may layuning palawakin at palakasin pa ang debosyon ng mga tao sa Santo Niño. Bukod pa rito, ang nasabing organisasyon ay nagsasagawa ng mga programang tumutulong sa mga nangangailangan. Sinimulan din ang tradisyon ng pagtatanghal mga imahen ng santo na ipinaparada sa likod ng orihinal na Santo Niño de Malolos sa araw ng kapistahan nito. Taon-taon, isang hermano mayor ang pinipili mula sa mga miyembro ng Santo Niño de Malolos Foundation na siyang magsisilbing tagapamahala ng mga kaganapan sa pagdiriwang ng pista, at ang punong benepaktor o tagapagpala. [2]
Pinagmulan
Ang pinagmulan ng Santo Niño de Malolos ay masasabing kaugnay ng hitik na kasasayan ng bayan sapagkat ang imahe ay sinasabing kinomisyon ni Francisca Tantoco, na kasama ng kadalagahan ng mga Tiongson, Uitangcoy, at dalawampu pang kababaihan, ang siyang nagtulak upang maitayo ang paaralan para sa mga kababaihang nagnanais na matuto ng wikang Kastila noong 1888, sa kabila ng pagtutol ng mga prayleng Espanyol. Dito isinulat ni Dr. Jose Rizal ang kaniyang tanyag na liham para sa magigiting na kababaihan ng Malolos kung saan pinuri niya ang katapangan ng mga babaeng ito na naghahangad ng de-kalidad na edukasyon para sa mga kababaihan na mailap noong panahong iyon.[3]
Debosyon
Ang debosyon ng mga tao sa Santo Niño de Malolos ay may malaking epekto sa naitatag na kultura ng Malolos, Bulacan at ng mga mananampalataya sa bansa na naging inspirasyon sa ilang mga deboto sa labas ng Malolos na magkaroon ng sariling grupo na naaayon sa dibuho ng sa Malolos, kagaya ng Congregacion del Santisimo Nombre del Niño Jesus ng Maynila, Congegacion del Santo Niño de Santa Maria Bulacan, at iba pa. Ang mga deboto, magkakaiba man estado sa buhay at lipunan, ay patuloy na nagtipon-tipon sa Malolos tuwing Enero upang ipagdiwang ang kapistahan ng Banal na Bata.
Ang Santo Niño de Malolos at ang matibay na debosyon nito ay nagsilbing simbolo ng Lungsod ng Malolos hindi lamang dahil sa makulay nitong kasaysayan na maingat na hinuhubog ng panahon, ngunit pati na rin ng kultura nitong patuloy na umuusbong. Ito ay manipestasyon ng dakilang pananampalataya ng mga Malolenyo sa Poong Maykapal na siyang gumagabay sa sangkatauhan tungo sa mas maliwanag at maluwalhating kinabukasan. [4]
- ↑ https://www.vigattintourism.com/tourism/articles/Sto-Nio-de-Malolos-Festival
- ↑ https://pintakasi1521.blogspot.com/2019/01/the-ever-royal-santo-nino-de-malolos.html
- ↑ https://pintakasi1521.blogspot.com/2019/01/the-ever-royal-santo-nino-de-malolos.html
- ↑ https://www.catholicsandcultures.org/philippines-malolos-feast-honors-hundreds-santo-nino-images