Lumang Simbahan ng Santisima Trinidad ng Malolos

From Wiki Malolos
Jump to navigation Jump to search

Saksi ng Himagsikan: Ang Lumang Bisita ng Santisima Trinidad

Higit pa sa isang pook-dasalan, ang Lumang Simbahan ng Santisima Trinidad (kilala ng mga lokal bilang "Bisita") sa Malolos ay isang tahimik na beterano ng rebolusyon. Itinayo noong dekada 1860, ang estrukturang ito ay yari sa matibay na adobe at batong koral.

Mayaman ang papel nito sa kasaysayan. Noong panahon ng himagsikan, ito ang nagsilbing Cuartel General (himpilan) ng “Batang Heneral,” si Gregorio del Pilar. Dito rin ginanap ang mga kritikal na negosasyon ni Pedro Paterno para sa Kasunduan sa Biak-na-Bato bago ito nilagdaan.

Nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong 1899, inilagay dito ang Comisaria de Guerra at nagsilbi itong ospital para sa mga sugatang katipunero. Isa ito sa iilang gusaling himalang nakaligtas sa malawakang pagsunog ng Malolos ng mga Amerikano. Ngayon, kinikilala ito ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) bilang pambansang palatandaan—isang permanenteng alaala ng tapang at pananampalataya ng mga Bulakenyo.


BISITA NG SANTÍSIMA TRINIDAD

Naitayo ang unang bisita, yari sa pawid at kawayan, sa kasalukuyang kinalalagyan matapos matagpuan dito ang isang mapaghimalang imahe o pintang larawan ng Santísima Trinidad bandang 1776. Noon, ang lugar ay saklaw pa ng Parokya ng Inmaculada Concepción sa Malolos sa ilalim ng pamumuno ni Fray Joaquin Maturana, OSA, at bahagi pa ng nayon ng Barihan. Nang mailipat ang parokya noong 1858, napunta naman ang bisita sa espiritwal na pangangasiwa ng Parokya ng Nuestra Señora del Carmen, o mas kilala bilang Barásoain.

Unti-unting lumaki ang bisita at napalitan ng istrukturang gawa sa adobe at yero noong 1863. Mula 1865 hanggang 1868, ang Sitio ng Santísima Trinidad ay naging hiwalay na barangay. Lalo pa itong nakilala nang matuklasan ang isang bukal sa gilid ng bisita na pinaniniwalaang naging daan ng maraming pagpapagaling sa may karamdaman mula 1860 hanggang 1870. Sa paglipas ng panahon, kumalat ang balita ng mga himala at dumami ang nagpupunta dito mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1942–1945), hindi man lamang nasira, nagalaw, o nagamit bilang himpilan ng mga Hapon ang bisita. Nagtuloy-tuloy pa rin ang mga pistahan at pagdiriwang. Saklaw ng Bisita ang tatlong barangay: Barihan, Santísima Trinidad, at Pinagbakahan.

Upang maging maayos ang pamamahalang temporal ng Bisita, binuo ng matatanda mula sa tatlong nayon ang Samahan ng Katandaan, na pinamunuan ni Ambrosio “Ba Ambon” de Regla mula sa Pinagbakahan. Noong 1924, itinatag naman ang Sulo ng Kabataan bilang katuwang ng Katandaan sa paghahanda at paggagayak tuwing may pista at mahahalagang okasyon. Ang Katandaan ang namahala sa pananalapi, paghahanap ng musikero, paghahanda para sa Mahal na Araw, at sa comité de festejos. Ang Sulo ng Kabataan naman ang nangasiwa sa dekorasyon, paglilinis, at pag-aayos.

Pagsapit ng 1981, napagdesisyunan na palakihin ang bisita dahil sa dumaraming mananampalataya. Dito sinimulang itayo ang bagong gusali. Sa panahong ito, nawala ang pintang larawan ng Santísima Trinidad matapos itong manakaw mula sa retablo. Halos apat na taon itong hinanap ngunit hindi na natagpuan.

Noong 1987, itinalaga ni Obispo Cirilo Almario si Monsignor Angel V. Pengson, P.A., matapos ang halos tatlumpung taong paglilingkod sa Barásoain. Mula noon, nagkaroon ang bisita ng resident Priest-in-Charge/Chaplain, kaya’t naging tila isang parokya ang pamumuhay nito. Pagsapit ng 1997, si Rev. P. Javier Joaquin ang humalili kay Msgr. Pengson, at itinalaga rin dito si Rev. P. Dars Cabral.

Matagal nang layunin ng Diyosesis ang gawing ganap na Parokya ang Bisita, at isa sa mga dahilan ay ang pagtatayo ng mas malaking gusali na natapos noong 1989–1990. Ngunit hindi ito napagkaisahan ng tatlong nayon—may mga pumayag at may tumutol, na nauwi sa hindi pagkakaunawaan. Dahil dito, nagkaroon ng usaping legal mula 1998 hanggang 2001, at nabawasan ang misa sa bisita, naging isa na lamang tuwing Linggo.

Noong Oktubre 2000, itinalaga ni Obispo Rolando Tirona si Rev. P. Ventura Galman bilang unang kura paroko ng Bisita ng Santísima Trinidad. Ngunit hindi siya tinanggap ng Samahan ng Katandaan dahil sa kanilang paninindigang ang Bisita ay dapat manatiling visita at hindi maging parokya. Dahil dito, pansamantalang tumira ang pari sa lumang gusali ng Malolos Bowling Plaza.

Nagpatuloy ang pagtutol hanggang Nobyembre 2001. Bilang pagtupad sa tungkulin, nagtungo si P. Galman sa Bisita upang ipatupad ang atas ng Obispo, ngunit nagdulot ito muli ng kaguluhan kaya bumalik siya sa Bowling Plaza. Noong Nobyembre 19, 2001, iniutos ng Obispo na pansamantalang idaraos muna ang mga gawaing pamparokya sa nasabing gusali hanggang hindi pa tinatanggap ng Katandaan ang pagiging parokya ng Bisita. Tumagal ang sitwasyong ito hanggang mapalitan si P. Galman.

Mula 2001 hanggang 2002, hindi na nagtalaga ng pari ang Diyosesis sa Bisita. Noong Abril 2002, ang Bisita ay napasailalim sa sektang Spiritual Catholic Church, isang grupong hiwalay sa Simbahang Romano Katoliko, kung saan sila nanatili nang halos 14 na taon. Samantala, noong 2015, ang pansamantalang simbahan sa dating Bowling Plaza ay ginawang ganap na parokya sa parehong pangalan.

Noong Oktubre 2016, nagkaayos ang Bisita ng Santísima Trinidad at ang Diyosesis ng Malolos. Nanatiling Bisita ang Santísima Trinidad, at ibinalik ang pagdaraos ng Misa sa ilalim ng mga paring Romano Katoliko mula sa Diyosesis ng Malolos. Pinag-isa ni Obispo Jose Oliveros ang dalawang Santísima Trinidad bilang isang Parokya at isang Bisita.

Mula noon, ang Bisita ng Santísima Trinidad ay muling napasailalim sa Simbahang Romano Katolika, at ang mga sakramento at pagdiriwang ay isinagawa ng mga paring mula sa bagong Parokya ng Santísima Trinidad na malapit dito.


Disclaimer: Ang mga nakatalang impormasyon tungkol sa bisita ng Santisima Trinidad ay base mula sa salin kwento ng mga katandaan sa nasabing lugar.