Ang Hiwaga ng Sapa sa Barangay Look 1st
Malaki ang nagiging bahagi ng sapa sa Look 1st tuwing tag-ulan dahil nakakatulong ito upang hindi bumaha ng malaki sa lugar. Subalit, sa paglipas ng panahon ay unti-unti na itong dumudumi dahil sa pagiging pabaya ng tao sa kanilang kapaligiran.
Ayon sa mga matatanda, ang mga kabahayan dati sa baryong ito ay magkakalayo dahil kakaunti pa lamang ang nakakaalam at nakatira dito. Madalas na tatlo hanggang apat na bahay ang pagitan ng bawat tahanan at ang magkakalapit ay magkakamag-anak. Madilim din sa lugar dahil walang masyadong ilaw at magkakalayo nga ang mga tahanan. Ngunit, maliban sa natatanging ganda ng baryong ito ay mayroon sinasabing mayroong hiwaga ang sapa na makikita rito. Isa na rito ang nasaksihan ni lolo Ponching.
Habang naglalakad si lolo Ponching sa gitna ng gabi ay may nakita siyang isang magandang dalaga. Ito ay maputi, tila kumikinang, makinis ang balat at perpekto ang bawat detalye ng mukha. Sinundan niya ito dahil sa takot na baka mapahamak ang dalaga lalo na’t naglalakad ito nang mag-isa sa gitna ng gabi. Habang sinusundan niya ay napansin niyang patungo ito sa sapa. Lalapitan na sana niya ito nang bigla tumalon ang babae sa sapa. Magmadali siyang lumapit sa dalaga ngunit laking gulat niya nang makitang isang bibe na lamang ang nakitang palutang-lutang sa sapa at wala nang kahit anino ng dalaga. Sa takot ni lolo Ponching ay nagtatakbo siya at nagsimula na ring matakot dahil sa nasaksihan niya.
Maliban dito, marami pang ibang sabi-sabi at kwento tungkol sa sapa. Mayroong nagsasabi na nakakakita raw sila ng lumulutang na kabaong at mayroon pang bolang apoy na kapag daw sinundan ay dadalhin ka nito sa lugar na puro kayamanan.
Totoo man ang mga sabi-sabi o hindi, ang maitatanong lamang ay ano kaya ang mararamdaman ng sapa sa kasalukuyan nitong kalagayan na marumi at hindi na
napapakinabangan? Maaari kayang ang mga bagay na kanilang nakikita ay isang pagbibigay-aral o babala na dapat na nilang alagaan at linisin ang sapang ito?
References
- Hango sa: Panayam kay Joaquin Reyes
- Larawan: https://images.app.goo.gl/nEK7jUYCZTJ3GbbH6