Ang Musika ng Katapangan
Article by Danielle Karl Laureta at Gemrex Linguete De Castro
Manuel Crisostomo
Sa kalagitnaan ng isang madilim at malamig na gabi, isang bandillo na animo'y isang malakas na awit at deklarasyon ng katapangan, ang gumulat at gumising sa maraming mamamayan ng Malolos. Taong 1888, sa pamumuno ni Manuel Crisostomo, ang gobernadorcillo ng bayan na siyang pumukaw at bumangga sa isang Cura, upang maihatid ang dagdag pag-iingat at maiwasan ang paglaganap ng epidemya. Subalit ano nga ba ang tunay na dahilan sa likod ng bandillong isinagawa ni Manuel Crisostomo sa bayan ng Malolos?
Taong 1888 nang tumaas muli ang bilang ng kaso ng Cholera sa buong arkipelago, buhat dito ay muling binuhay at dinagdagan ng Direktor Liberal ng Administrasyong Sibil na si Benigno Quiroga ang mga kautusang pag-iingat na ipinatupad noong 1856, upang maiwasang maulit ang mga kaganapang nangyari noong taong 1882.
Matapos matanggap ni Don Manuel Crisostomo ng kautusang ibinaba ni Quiroga sa lahat ng gobernadorcillo—agaran itong ipinabatid ni Crisostomo sa publiko kasama ang lahat ng kaniyang mga tinyente, watawat ng Espana, at isang banda musika sa pamamagitan ng bandillo at palibot-kalatas na naglalaman ng mga mahigpit na pagbabawal sa paglilibing nang walang kabaong o ataul at pinagbabawal din ang pagpapasok ng bangkay sa simbahan na dapat malagak lamang sa kamalig-tinggalan o deposito.
Nabalitaan ng Agustinong Cura Prayle ng bayan na si Felipe Garcia ang bandillong isinagawa ng Gobernadorcillo kasama ang kanyang mga tinyente, kaya agaran niya itong ipinatawag at kinausap. Tinanong siya ng Cura kung sino ang nasa likod nang isinagawang bandillo, buong tapang naman itong sinagot ni Crisostomo at pinatunayan sa pamamagitan ng kanyang sariling lagda. Dahil dito napuot ng lubusan ang kura at sinabing pupunta siya sa Santo Papa para masigurong maipapatapon siya sa Jolo. Agaran naman at mariing sinagot ito ni Crisostomo na handa siyang pumunta kahit saan basta kasama ang Cura. Sa tumataas na tensyon sinubukan ng mga tinyente na pumagitan sa dalawa habang ang mga Cabesa naman ay lumayas at pumunta sa tribunal.
Inutusan naman ni Manuel Crisostomo ang mga Cuadrilleros para bantayan ang bukana ng simbahan para masigurong walang anumang bangkay ng taong may Cholera ang makapapasok.
Nang makasunod na araw, isang bata ang namatay sa Cholera sa Barrio Mambog. Dinala ng mga magulang ang ataul ng bata sa simbahan upang makatanggap ng huling basbas, subalit hindi pumayag ang Cura dahil wala itong maipambabayad. Sinubukan nilang dumiretso sa isang sementeryong pang-Katoliko ngunit hindi rin sila nagtagumpay na mailibing ang bangkay, sa kadahilanang wala itong basbas mula sa simbahan. Upang mailibing ang kanilang anak sa loob ng bente-kwatro oras na palugit, nagtungo sila kay Manuel Crisostomo upang humingi ng tulong. Sumulat naman si Crisostomo sa Cura upang mailibing ang bata, at sa kabutihang-palad ay pumayag ang Cura, subalit bilang kapalit nito, si Crisostomo at kaniyang mga kasama ay magiging laman ng sermon ng Cura araw-araw, ayon sa Cura "Dapat matakot ang mga tao sa mga kasalanang kanilang ginagawa, tulad ng paglilibing sa bangkay ng walang basbas mula sa simbahan at sinumang gagawa nito ay may kasiguraduhang mapupunta sa impyerno".
References
- Ang Malulos sa mga dahon ng kasaysayan (book)
- The Women of Malolos (Book)