Delpi Lingo

From Wiki Malolos
Jump to navigation Jump to search

mula sa Solidaridad (August 2018)

Isa ka ba sa mga nakaranas na tila ba'y wala kang kamalay-malay sa pinag-uusapan ng mga kasamahan mo? Pakiramdam mo'y out of place o OP ka sa mga binabanggit nilang mga salita sapagkat hindi mo man lamang ito maunawaan ng mabuti. Kung baga'y kabilang ka sa mga taong maaaring hindi lubos ang kaalaman sa mga bagay na tinutukoy ng iba sapagkat ito'y bago lamang sa iyong pandinig.

Marahil kabilang ang mga transferee sa maaaring maapektuhan nito. Kaya naman ito ang ilan sa mga salitang tumatak sa mga DelPilarians na dapat ibahagi at ipaalam sa mga bagong pamilya sa paaralang ito upang sa susunod ay maramdaman nila na parte sila sa usapan ng kapwa mag-aaral . Ang mga sumusunod na salita o katagang ito ay mula mismo sa pahayag ng mga solid na estudyante ng MHPNHS.

"GEORGIA VS GEORGA" Sino nga ba siya? Siya ba ang karibal ni Emma kay Rome sa "Ikaanim na Utos"? HINDI! Sapagkat higit pa siya sa kung sinoman na kontabida sa teleserye. Magugulat ka na lamang sa kaniyang kakila-kilabot at hindi malilimutang eksena na kung saan ay bigla siyang lalapit sayo, sasabayan ka sa iyong paglakad, aakbayan o di kaya'y hahawakan ang iyong kamay, kakausapin ka na tila ba'y parang matagal na kayong magkakilala kahit noong araw mo lamang siya nakita (feeling close), tatanungin ang iyong pangalan at higit sa lahat ay hindi ka lulubayan hangga't hindi mo ibibigay ang tanging nais niya, walang iba kundi ang iyong numero o di kaya'y ang iyong litrato. Basta't ika'y kaniyang natipuhan, umasa kang hindi ka niya tatantanan! Kahit saang sulok ng paaralan ay mahahagilap mo siya. Mag-isa ka man sa iyong paglakad, huwag kang mag-alala, hintayin mo lamang siya sapagkat ipaparamdam niya sa'yo na hindi ka nag-iisa kaya naman maraming estudyante ang labis siyang kinagigiliwan. Sabi nga, hindi ka taga-Marcelo kung hindi mo kilala si Georgia.

"ANG MAHIWAGANG KATINGKO SA HILOM" Bakit nga ba sa hilom lagi ang pinapatunguhan ng mga estudyante o guro na hindi maganda ang pakiramdam, nagkaroon ng sakit, nasugatan at marami pang iba? Diba upang sila ay gumaling at guminhawa ang pakiramdam. Ngunit ano nga ba ang ginagamit upang masolusyunan ang ganitong uri ng karamdaman o sakit? Kahit sino sa paaralan ang iyong tanungin, isa lamang ang kanilang isasagot, walang iba kundi "ang mahiwagang katingko". Nakakatawang pakinggan ngunit ito'y pawang katotohanan sapagkat parang ipinapahiwatig na ang katingko ay nakakagaling ng kahit anomang sakit. Hindi maiiwasan na may mga estudyante na nagpapaalam na lamang na umuwi sa tahanan sapagkat alam nila na ito lamang ang maaabutan nila sa clinic. Bakit nga ba kasi lagi na lamang "katingko"? Para sa karagdagang impormasyon, hindi kaagad nagbibigay ng mga gamot ang mga nurse sa clinic sapagkat nababahala sila na baka maaaring mas lalong lumala ang karamdaman ng isang estudyante kaya naman tinatanong muna nila bago bigyan ng gamot at kung hindi naman tiyak ang estudyante kung allergic ito ay pinipiling pahiran na lamang ng katingko. Maaari na ring maging kataga ng paaralan ang "MARCELO KATINGKO".

"FISHPOND HERE, FISHPONDS EVERYWHERE" Kailan ka pa huling nakakita ng fishpond? Pinapangarap mo bang muling makakita nito? Kung gayo'y hindi mo na kailangan pang lumayo, pumasok ka lamang sa paaralan araw-araw ay masisilayan mo na ang natatanging likas na ganda ng Marcelo dahil sa rami ng mga fishpond. Bilang pagbabalik tanaw, ang ilan sa mga ito ay naging wishing well ng mga mag-aaral. Nakakapanghinayang diba? Kung sana'y mag-aaral ka na sa paaralan noon pa, sana'y isa ka sa mga naging uto-uto dahil sa paghuhulog mo ng barya at paghiling na pansinin o makita mo man lamang si crush. Nakakatuwang isipin na dahil sa pagtitiwala mo sa magagawa ng wishing well ay mayroong mga mag-aaral na nagkakaroon ng baon at pambayad sa mga xerox copy sapagkat sila ang kumukuha ng mga baryang pinakawalan mo sa iyong bulsa, para sa kahilingan mong walang kasiguraduhang matutupad. Hindi na rin ito masama, natupad man o hindi ang iyong mga kahilingan, ang mahalaga'y nakatulong ka sa ibang mga tao nang walang kamalay-malay.

"GRETCHEN SA BLD. A" Saan ba siya matatagpuan? Sa rami ng departamento sa ating paaralan, naisip mo ba na maaaring isa sa mga departamentong iyong dinadaanan ay mayroong sumusunod sa'yo habang ika'y naglalakad ng mag-isa? Lalo na't kapag umihip ng malakas ang hangin, bukas-sarado ang pinto, masisilayan mo ang madilim at tahimik na silid-aralan kapag nakaawang ang bintana at kalaunan ay may maririnig kang isang boses na magpapatindig balahibo sa'yo. Mapapasigaw ka talaga ng malakas oras na maranasan mo ito lalo na't kapag may kumalabit sa'yong balikat. Iyon pala'y ang mga kaibigan mong walang tigil sa kakatawa noong masilayan ang mukha mong gulat na gulat. Huwag kang mag-alala, hindi ka pakikielaman ni Gretchen kung isa kang masunurin na mag-aaral. Isa lamang itong paalala na dapat ay masanay ang mga estudyante na kapag oras na ng uwian ay diretso uwi sa tahanan.

"HOME OF THE CHAMPIONS" Paano nga ba tinawag na "Home of the Champions" ang MHPNHS? Dahil ba sa lahat ng pagkakataon ay panalo sa kompetisyon ang ating paaralan? Hindi naman maipagkakaila na hindi sa lahat ng pagkakataon ay nakakamit ito ng Marcelo ngunit sa puso at isip ng lahat ng DelPilarians ay nananatiling kampyeon ang ating paaralan manalo man o matalo sapagkat nagbigay ang bawat isa ng bahagi sa paaralan. Simple ka man na mag-aaral o sikat ka sapagkat representative ka sa iba't ibang larangan, basta't ipinagmamalaki mo ang iyong paaralan, isa ka pa rin na kampyeon sapagkat kabilang ka sa mga estudyante na piniling mahalin at paglingkuran ang ating Dakilang Paaralan.

Nasagot na ba ang iyong mga alinlangan at katanungan tungkol sa mga salita o terms na hindi mo maintindihan sapagkat hindi pa sapat ang iyong kaalaman ukol dito? Pagkakataon mo na! Gayahin mo na si Georgia este ipagmalaki mo na kilala mo na siya, magbaon ka na ng katingko kasi advance ka mag-isip para hindi ka na kailangang isugod sa clinic, muli mong simulan ang paghuhulog ng mga barya sa mga fishpond pagkatapos kunin mo ito at ibahagi sa mga nangangailangan, takutin mo na ang kaklase mo este bilinan mo na ang mga kamag-aral mo na umuwi sa tamang oras at higit sa lahat ay ituring mo ang sarili at kamag-aral ng pantay-pantay at isa sa mga natatanging kampyeon ng paaralan.