Pagtindig ng kababaihang hindi palulupig

From Wiki Malolos
Jump to navigation Jump to search

Article by Kim Carla Balagtas at Daniella Juliana Carpio

Loreto Lucero
Loreto Lucero

Loreto Lucero

Sa paglaban sa mga umiiral na kaugalian at sistemang pampulitika noong panahon ng kolonyalismo ng mga Espanyol sa Pilipinas, si Loreto Lucero ay tanyag na halimbawa ng tapang at determinasyon ng isang kababaihan. Ipinanganak noong 1875 sa Malolos, Bulacan, si Loreto ay mula sa isang mayamang pamilya na kilala sa kanilang progresibong pananaw. Hindi siya natitinag sa pagtutol sa pangingibabaw ng mga prayle noon, na nagpapakita ng kanyang kababaang-loob bilang isang marangal na dalaga.

Sa pagtatangka na pigilan ang pang-aabuso at kahalayan, isang matapang na hakbang ang isinagawa ni Loreto nang pilitin niyang umalis ang Cura mula sa kanilang tahanan, na nag-iwan ng isang mahalagang marka sa kasaysayan.

Noong 1894, matapos palitan si Cura Frayle Heriberto Garcia ni Cura Parroco Santiago Perez, isang araw habang naganap ang pagbisita ng Cura, wala sa tahanan ang mga magulang ni Loreto; tanging mga kasambahay lamang ang naroon. Nakita ito ng Cura bilang pagkakataon upang gumamit ng malalaswang salita, na hindi nagustuhan ni Loreto. Walang takot na pinagsasampal ni Loreto ang Cura palabas ng kanilang tahanan. Hindi siya nagdalawang-isip na magsampa ng kaso sa hukuman laban sa pang-aabuso at pambabastos, isang bagay na noo'y inakala ng marami na hindi kayang gawin ng kababaihan.

Sa ikinagulat ng lahat, nagtagumpay si Loreto sa kanyang kaso laban sa Prayleng Kastila. Marahil naipanalo ito dahil sa tulong ng mga progresibong tao sa gobyerno. Bilang parusa, inilipat ang Cura sa ibang bayan at pinalitan ni Fray Angel Fernandez noong 1895.

Ngunit ang tagumpay na ito ay nagdulot ng malupit na bunga. Ang kanyang ama, si Antonio Lucero, ay biglang hinuli ng Guardia Civil noong Oktubre 1895 habang nagsisimula ang kanyang ikaapat na termino bilang gobernadorcillo. Inakusahan siya ng pagkakasangkot sa walong ginoo ng Malolos, na naunang nahuli at ipinatapon dahil sa pagtutol sa pananakop ng mga Kastila. Ang pagkakahuli na ito, na pinaniniwalaang panghihiganti ng mga prayle, ay nagmarka ng simula ng pang-aabuso laban sa pamilya Lucero.

Si Loreto, nakaranas din ng matinding pagdurusa sa kanyang propesyon. Humiling siyang magbitiw bilang guro dahil sa mga alalahanin sa kalusugan na pinalala ng mga legal na laban ng kanilang pamilya. Sa kabila ng mga pagtatangkang suspendihin siya, nanatiling matatag si Loreto sa kanyang paninindigan sa mga panlipunang at pampulitikang adhikain.

Patuloy ang hirap ng pamilya matapos ilipat si Antonio sa Bilibid Prison, kung saan siya namatay noong Disyembre 1895. Ang mga trahedyang ito ang nag-udyok kay Loreto at sa kanyang mga kapatid na maging aktibo sa laban ng Pilipinas laban sa mga Kastila at Amerikano. Dahil dito, naging mahalagang bahagi sila ng pakikibaka para sa kalayaan. Sila rin ang naging isa sa mga nagtatag ng Asociacion Femenista de Filipinas noong 1906, isang organisasyon na nagsusulong ng karapatan ng kababaihan sa bansa.

References